Guide to Pineapple Queen Growing (in Filipino), Part 4

Paraan ng Pagpapalaki ng Bunga sa Panahon ng Pamumulaklak ng Pinya

Maaring palakihin ang bunga ng pinya kahit sa panahon na ito ng pamumulaklak. Sundin ang sumusunod:

Maglagay ng abono sa simula ng pamumulaklak o red bud stage. May malaking epekto ang paglagay ng hinalong 5 gramo ng urea ng pamumulaklak o red bud stage. Matipid subalit malaki ang epekto lalo na sa mga lupang matagal ng tinataniman ng pinya.

Alisin ang korona isang linggo matapos ang pamumulaklak o dry petal stage. Mas lalong lumalaki ang bunga at maikli ang tubo ng korona. Huwag isasagad ang pag-alis ng korona sa bunga. Gawin ito kung mainit ang panahon upang hindi ito tamaan ng sakit. Dahil ang sugat na gawa sa pag-alis ng korona ay maaring maging sanhi o pagmulan ng sakit.

Pag-spray ng Gibberellic acid pagkatapos ng pamumulaklak o dry petal stage. Gamitin ang timplang 1/2 o 3/4 tablet ng Berelex sa bawat sprayer load (16 litro ng tubig) at i-spray sa 1,000 bunga ng pinya. Siguruhin na basa ang lahat ng bahagi ng bunga ngunit iwasan na matamaan ang korona. Mag-ispray sa umaga o hapon upang mas higit na mabisa.

Pag-Aani ng Bunga

Ang bunga ng pinya ay maaring anihin 41/2 hanggang 5 buwan depende sa panahon at timpla ng ethephon na inilagay sa pagpabulaklak. Medyo matagal anihin kung ginagawa sa panahon ng tag-ulan at mababa ang timpla ng pampabulaklak na ginamit.

Mapapanatili ang mataas na kalidad ng inaning pinya kung susundin ang sumusunod:

  • Ingatan ang bunga sa pag-aani. Iwasang mabugbog ang bunga sa pag-ani at paghakot. Ito ang sanhi ng maagang pagkabulok o reject ng produkto para ipagbili sa ibang bansa.
  • Huwag hayaan madikit ang inaning bunga sa lupa. Ang dumi na maaring dumikit sa bunga ay maaring maging sanhi ng sakit at madaling pagkasira ng produkto. Gumamit ng pansapin habang inaayos ang produktong inani.
  • Anihin ang bunga ayon sa pangangailangan ng mamimili. Gawin ang sapilitang pagpapahinog kung kinakailangan upang sabay at pantay ang kulay ng hinog at manibalang (green ripe) pang bunga. Ang sapilitang pagpapahinog ay nakakasira ng kalidad ng prutas kung gagawin sa panahon na hilaw pa ang bunga. Matabang at makati ang lasa ng pinya na sapilitang pinahinog ng wala pa sa tamang panahon.
  • Maaring anihin ang pinya depende sa pangangailangan ng mamimili na iba’t-iba ang antas ng pagkahinog tulad ng sumusunod:

Maturity Index ng Pinyang Queen base sa inaprubahan na standards ng BAFPS. Kulay ng balat (index) – Katangian

  • 1 – Lahat ng mata ay kulay berde at medyo puti ang bracts at tuyo ang mga grooves sa gitna ng una hanggang pangalawang layer o baitang ng mata mula sa ibaba. Makikita din ang paghihiwalay ng kulay dilaw (magulang na pinya ay maaring i-proseso bilang dried o gawing kendi ito ang pinaka-angkop na panahon para anihin ang pinya para ma-itabi nang medyo matagal)
  • 2 – Tinatayang 2-3 layers ng mata mula sa ibaba ang kulay dilaw angkop itong kainin panghimagas at i-proseso bilang juice at jams
  • 3 – 50% ng mata ay dilaw
  • 4 – Lagpas 75% ng mata ay dilaw (sobrang hinog)
  • 5 – Buong prutas ay dilaw (sobrang hinog)

Pag-Ani ng Dahon ng Pinya

Ang dahon ng pinya ay isa sa pinagkukunan ng magandang uri ng hibla para sa tela at papel. Dagdag na kita ito sa mga magtatanim ng pinya kung aanihin at ipagbibili ang sariwang dahon o kaya pinatuyong hibla.Piliin ang magulang na dahon at walang sira na may habang dalawang talampakan. Ginagawa ang pag-ani ng dahon matapos anihin ang bunga ng pinya.

Sa halip na tabasin para makagawa ng “walking alley” o daanan sa pag-ani at pag-hakot ng bunga maaring anihin ang dahon upang ibenta at gawing hibla. Ang mga natitirang dahon ay anihin ulit pakatapos anihin ang mga bunga.

Napag-alaman na ang pag-ani ng dahon ay hindi nakakaapekto sa paglaki ng suhi na gagamitin pantanim.

For more information, contact:

Department of Agriculture RFU 5
San Agustin, Pili, Camarines Sur
Tel.# (054) 361-18-58
E-mail :[email protected]
Web: www.bicol.da.gov.ph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>