Guide to Pineapple Queen Growing (in Filipino), Part 1

Ang pinya queen ang pinakamatamis na uri ng pinya sa Pilipinas. Ito ay may matinik na dahon kung kukumpara sa ibang uri ng pinya. Ang bunga ay tumitimbang ng halos isang kilo. Ang bunga ng queen ay malaki sa gawing puno at paliit sa gawing dulo (tapering).

Matingkad na kulay dilaw ang balat kung hinog na at ang laman ay malutong. Hindi ito gaanong makatas at tamang tama lang sa panlasa ang tamis. Napag-alaman sa pagsusuri ng DOLE Philippines na mataas ang taglay na iron, magnesium, potasyum, copper at manganese ng Queen kaysa sa Hawaiian. Ayon pa rin sa Food and Nutrition Research Institute ito ay nagtataglay ng mga sumusunod:

  • ph 3.45
  • soluble solids 16.8
  • Acidity (%) 0.45
  • Unsoluble solids 5.13
  • color, ppm beta carotene 5.13
  • essence, ppm 127.50
  • Vitamin A 15 i.u.
  • Vitamin C 21 mg
  • Phosphorus 19 mg
  • Carbohydrates 13 mg
  • Calcium 19 mg
  • Sugar ang malaking bahagi ng prutas

Ang Bureau of Agricultural Fishery Products Standards ay nagpalabas ng sumusunod na klasipikasyon base sa timbang ng pinyang queen kasama ang korona.

  • Extra large (mahigit 1,000 g)
  • Large (850-1,000 g)
  • Medium (700-850 g)
  • Small (550-700 g)
  • Butterball (below 550 g)

Mga Uri ng Pananim

Korona – isang uri ng pananim na nakausbong sa ibabaw ng bunga ng pinya. Karaniwan, ang bawat bunga ay may isa lamang korona. Halos parepareho ang gulang nito at ang punong bahagi ay mas malaki at doon lumalabas ang usbong na may maraming ugat. Karaniwang kasama ang korona ng bunga kung ibinebenta kaya bihira itong gamitin bilang pantanim.
Ang hapas o “aerial suckers” ay umuusbong naman sa itaas na bahagi ng puno ng pinya. Maari itong kunin bilang pantanim mga 3 hanggang 5 buwan matapos anihin ang bunga ng pinya.
Ang suhi o “ground suckers” ay tumutubo naman sa puno ng pinya na nakadikit sa lupa. Makukuha ito bilang pantanim kasabay ng hapas.

Pagpili at Paghahanda ng Pantanim

Mahusay na piliin ang semilyang pantanim upang makasigurong pare-pareho ang laki ng bunga sa panahon ng pag-ani. Pagsama-samahin ang magkaparehong uri. Iwasan gumamit ng malaking semilya sapagkat namumulaklak ito ng maaga. Subalit iwasan din naman ang sobrang maliit dahil mahinang klase din ang bunga nito.

Kung korona ang gagamitin bilang pantanim iwasan gamitin ang doble o kumpol-kumpol na korona. Iwasan na gamitin ang sirang ubod na korona.

Ikalat ang semilyang pantanim sa lugar na nasisikatan ng araw sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw. Sa ganitong paraan, mapapadali ang pag-uugat at maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit.

Paghahanda ng Lupa

Mahalagang maayos at maihandang mabuti ang lupang tataniman ng pinya. Kailangan itong bungkalin at suyurin ng husto upang makasigurong normal ang paglaki ng halaman. Sundin ang mga sumusunod:

  • Linisin ang lugar na tataniman. Tabasin ang mga malalagong damo o kaya’y gumamit ng gamot na pamatay damo.
  • Alisin ang mga halamang hindi kailangan. Bunutin ang mga ugat at tuod.
  • Araruhin ang lugar na malinis na at makalipas ang 7 hanggang 10 araw araruhin ulit.
  • Suyurin ang lupang inararo ulitin ang pagsuyod makalipas ang isang linggo upang mapino ang lupa.

Mas mabuting ihanda ang lupa bago sumapit ang tag-ulan. Mas madaling araruhin at suyurin ang lupa sa ganitong panahon. Kung ang lupa ay maputik at naiipon ang tubig maglagay ng tubig daluyan o kanal.Maari din gumawa ng kama-kama para doon itanim ang pinya.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *