Guide to Pineapple Queen Growing (in Filipino)
Posted by: Leo in Plant & Crops 525 Views
Ang pinya queen ang pinakamatamis na uri ng pinya sa Pilipinas. Ito ay may matinik na dahon kung kukumpara sa ibang uri ng pinya. Ang bunga ay tumitimbang ng halos isang kilo. Ang bunga ng queen ay malaki sa gawing puno at paliit sa gawing dulo (tapering).
Matingkad na kulay dilaw ang balat kung hinog na at ang laman ay malutong. Hindi ito gaanong makatas at tamang tama lang sa panlasa ang tamis. Napag-alaman sa pagsusuri ng DOLE Philippines na mataas ang taglay na iron, magnesium, potasyum, copper at manganese ng Queen kaysa sa Hawaiian.
Ayon pa rin sa Food and Nutrition Research Institute ito ay nagtataglay ng mga sumusunod:
- ph 3.45
- soluble solids 16.8
- Acidity (%) 0.45
- Unsoluble solids 5.13
- color, ppm beta carotene 5.13
- essence, ppm 127.50
- Vitamin A 15 i.u.
- Vitamin C 21 mg
- Phosphorus 19 mg
- Carbohydrates 13 mg
- Calcium 19 mg
- Sugar ang malaking bahagi ng prutas
Ang Bureau of Agricultural Fishery Products Standards ay nagpalabas ng sumusunod na klasipikasyon
base sa timbang ng pinyang queen kasama ang korona.
- Extra large (mahigit 1,000 g)
- Large (850-1,000 g)
- Medium (700-850 g)
- Small (550-700 g)
- Butterball (below 550 g)
Mga Uri ng Pananim
![]() |
Korona - isang uri ng pananim na nakausbong sa ibabaw ng bunga ng pinya. Karaniwan, ang bawat bunga ay may isa lamang korona. Halos parepareho ang gulang nito at ang punong bahagi ay mas malaki at doon lumalabas ang usbong na may maraming ugat. Karaniwang kasama ang korona ng bunga kung ibinebenta kaya bihira itong gamitin bilang pantanim. |
![]() |
Ang hapas o “aerial suckers “ ay umuusbong naman sa itaas na bahagi ng puno ng pinya. Maari itong kunin bilang pantanim mga 3 hanggang 5 buwan matapos anihin ang bunga ng pinya. |
![]() |
Ang suhi o “ground suckers” ay tumutubo naman sa puno ng pinya na nakadikit sa lupa. Makukuha ito bilang pantanim kasabay ng hapas. |
Pagpili at Paghahanda ng Pantanim
Mahusay na piliin ang semilyang pantanim upang makasigurong pare-pareho ang laki ng bunga sa panahon ng pag-ani. Pagsama-samahin ang magkaparehong uri. Iwasan gumamit ng malaking semilya sapagkat namumulaklak ito ng maaga. Subalit iwasan din naman ang sobrang maliit dahil mahinang klase din ang bunga nito.
Kung korona ang gagamitin bilang pantanim iwasan gamitin ang doble o kumpol-kumpol na korona. Iwasan na gamitin ang sirang ubod na korona.
Ikalat ang semilyang pantanim sa lugar na nasisikatan ng araw sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw. Sa ganitong paraan, mapapadali ang pag-uugat at maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit.
Paghahanda ng Lupa
Mahalagang maayos at maihandang mabuti ang lupang tataniman ng pinya. Kailangan itong bungkalin at suyurin ng husto upang makasigurong normal ang paglaki ng halaman. Sundin ang mga sumusunod:
- Linisin ang lugar na tataniman. Tabasin ang mga malalagong damo o kaya’y gumamit ng gamot na pamatay damo.
- Alisin ang mga halamang hindi kailangan. Bunutin ang mga ugat at tuod.
- Araruhin ang lugar na malinis na at makalipas ang 7 hanggang 10 araw araruhin ulit.
- Suyurin ang lupang inararo ulitin ang pagsuyod makalipas ang isang linggo upang mapino ang lupa.
Mas mabuting ihanda ang lupa bago sumapit ang tag-ulan. Mas madaling araruhin at suyurin ang lupa sa ganitong panahon. Kung ang lupa ay maputik at naiipon ang tubig maglagay ng tubig daluyan o kanal.Maari din gumawa ng kama-kama para doon itanim ang pinya.
Pagtatanim
Itanim ang pinya sa umpisa ng tag-ulan. Doon sa mga lugar na may regular na distribusyon ng ulan maaring itanim ang pinya ano mang oras basta nakahanda ang pantanim. Sundin ang sumusunod:
- Kung ang pinyang queen ay itatanim bilang salit-tanim sa niyugan, mabuting planuhin ang mga daanan sa paglabas ng mga inaning niyog.
- Hakutin ang pantanim sa lupang tataniman. Tantiyahin ang tamang bilang ng pantanim na hahakutin.
- Pagsama-samahin ang mga pantanim na magkakasinlaki
- Sa pagtatanim maaring sundin ang tinatawag na “single row” o isang linya na may agwat na 70-100 sentimetro ang bawat linya at 30 sentimetro ang pagitan ng bawat puno.
- Maari din sundin ang tinatawag na double row o dalawahang linya na may agwat na 80-100 sentimetro ang pagitan ng dalawang linya at 50 sentimetro sa loob ng dalawahang linya.
- Iwasan na malagyan ng lupa ang ubod ng pantanim. Ito ay maaring pagsimulan ng sakit at pagkabulok.
![]() |
![]() |
Pagsugpo ng Damo
May dalawang paraan ng pagsugpo ng damo sa taniman ng pinya - ang paggamit ng kemikal at ang paggamas o pagbunot ng damo. Bagama’t epektibo ang bawat isa mas mabuting pagsamahin and dalawang paraan upang mas lalong epektibong masugpo ang damo.
Narito ang ilang mga hakbang:
- Araruhin at suyurin ang lupang tataniman. Higit na kapakipakinabang kung ang bawat pag-aararo at pag-suyod ay ginagawa makalipas ang 7 hanggang 10 araw.
- Maari din mag-spray ng “Power” sa lupang tataniman makalipas ang 7-10 araw matapos ang pag-bubungkal.
- Ang iba pang damo ay maaring puksain ng “pre-emergence” na pamatay damo tulad ng Karmex at Diuron. Ang mga ito ay mas mabisa at matipid kung gagamitin bilang pambomba sa damo 7 hanggang 10 araw pagkatanim. Maliban dito, pinapatay nito ang mga damo sa mga murang ugat at usbong ng mga ito.
Subalit, hindi ito maaring gamitin kung masyado nang malago ang mga damo. Kapag ito ay ibinomba ng hindi tama sa panahon maaring magdulot ito ng paninilaw ng dahon at tuluyang pagkalanta ng tanim. Maliban na lamang kung ang gamot ay direktang i-spray sa damo. Kung sakaling ganito ang pag-gamit maghalo ng “sticker” katulad ng hoestick o sabon sa solusyon.
Kung ang tanim ay malago na, ang mga damong tumutubo tulad ng agingay ay maaring sugpuin ng Onecide, isang uri ng pamatay damo na maaring ibomba ano man oras pagkatanim. Ang kogon naman ay maaring puksain ng “round-up o power” bago itanim ang pinya.
Ang paggamit ng gamot ay suplemento lamang sa karaniwang paraan ng pag-alis ng damo.
Pag Aabono
Kailangan ng pinya ang sapat na dami ng abono para ganap na maganda ang paglaki at pamumunga nito.
Dapat alamin ang likas na yaman o katabaan ng lupang tataniman sa pamamagitan ng pagpapasuri ng lupa. Mas higit na epektibo at matipid ang paglalagay ng pataba.
Sundin ang rekomendasyon ng Soils Laboratory o kaya ang resulta sa soil test kit sa Office ng Municipal Agriculturist. Makakatulong din ang paggamit ng organikong pataba mula 6 hanggang 9 na sako sa bawat ektarya.Iwasan ang mag-abono ng halos isang dakot bawat halaman. Malaking posiyento ang natatapon o nawawala dahil sa pagsingaw o pagka-anod, pagsipsip ng lupa at damo.
Kung hindi nagawa ang pagpapasuri ng lupa, maaring sundin ang sumusunod na talaan na panahon ng pag-aabono.
Upang mapataas ang kalidad ng bunga, gumamit ng tamang timpla ng abono. Ang potasyum ay nakapagpatamis ng bunga, ang nitroheno naman ay nakakapagpalaki ng puno at bunga. Ang posporus naman ay nakakapagpalago ng ugat.
Kailangan din ng pinya ang iba pang sustansiya tulad ng boron. Lumalaki ang bunga kung magwiwisik ng Borax sa daming 3 gramo bawat litro ng tubig. Puwedeng gamitin mula 5 buwan pagkatanim hanggang sa panahon ng pamumulaklak.
Mag-abono kung medyo basa ang lupa. Kung mainit at tuyo ang lupa mainam na tunawin ang abono sa tubig at idilig sa puno ng pinya sa daming 40 cc bawat halaman. Iwasan malagyan ang dahon dahil maaring masunog ito.
Maari ding mag-abono sa panahon ng pamumulaklak. Ito ay nakakapagpalaki ng bunga at suhi.
Ilagay ang urea sa bandang puno ng pinya. Ang ammonium phosphate at mureate of potash ay maaring ilagay sa puno ng pinya o sa unang 3 magulang na dahon.
Kung hindi nagawa ang pagpapasuri ng lupa, maaring sundin ang sumusunod na talaan na panahon ng pag-aabono.

Sa halip na urea, puwede ring gamitin ang ammonium sulfate (21-0-0) sa dami na doble sa urea.
Mas mabuti kung makagawa ng takalan na may daming 5, 10,20 gramo upang magamit sa pag-aabono.
Pagpapabulaklak
Ang pagpapabulaklak ng pinya na wala sa panahon ay mahalaga dahil napapataas nito ang porsiyento ng pamumulaklak; sabay-sabay ang pamumulaklak; maaring mamulaklak kung kailan nais ng magsasaka; matipid at mataas ang kita.
Ang pinya ay maaring pabulaklakin mga 10 hanggang 13 buwan makatapos itanim. Iwasan ang pagpapabunga ng maaga lalo na kung pitong buwan pa lamang sapagkat maaring maliliit ang bunga.
Sundin ang mga sumusunod na hakbang:

- Maghanda ng ethephon (Ethrel 480), urea, pantakal, timba o timplahang dram at knapsack sprayer.
- Sundin ang timplang 5 cc ethephon + 10 litro ng tubig + 200 gramo ng urea.
- Ethrel (480) - 1 Dram (200 liters) o Knapsack Sprayer (16 liters)
- Urea - 100 ml/4 kg. o 8 ml / 320 g
- Maglagay ng 30 cc sa ubod ng bawat puno o halaman.
- Maglagay ng pampabulaklak sa bandang hapon upang mataas ang porsiyento ng pamumulaklak.
Mga Peste ng Pinya
Mealybugs - Ito’y isang insektong sumisipsip ng katas ng mga murang dahon at mga dahong nagsisimulang gumulang.
Sintomas:
- Pamumula ng dahon
- Pagkalanta ng dahon
- Panunuyo ng malaking bahaging dahong apektado
- Pagkupas ng berdeng kulay ng dahon
- Bansot ang halaman
Pagpuksa:
Ang mealybugs ay nabubuhay kasama ng mga langgam. Ang langgam ang naglilipat sa mga ito sa mga malulusog na bahagi ng halaman.
- Paggamit ng “mealybug-free” na pananim.
- Mag-spray ng 1-1.4 ml./li ng Malathion o Diazinon
- Puksain ang mga langgam na nagkakalat ng peste sa pamamagitan ng pagbobomba ng Sumicidin sa border area na may 4-6 na tudling.
Butt Rot
Sintomas:
- Pagkabulok ng gawing puno ng halaman
- Pagkalanta ng buong halaman
- Biglaang pagkamatay ng halaman.
Pagpuksa/Pag-iwas
- Iwasan na magkasugat ang halaman upang hindi makapasok ang fungus na nagdudulot ng sakit
- Maari ding ilubog ang puno ng halaman sa 2.5 gramo bawat litro ng Aliette solusyon habang sariwa pa ang sugat.
Fruit Core Rot - Ang sakit na ito ay dulot ng fungus. Ito ay labis na nagpapababa ng kalidad ng bunga ng pinya.
Sintomas:
- Berde at maliit ang bunga
- Lubog ang mata ng apektadong bunga na kulay brown. Kapag hiniwa ang apektadong bahagi ay nangingitim, matigas, basa at nabubulok.
Pagpuksa/Pag-iwas
- Panatilihing tama ang dami ng N,P, at K
- Mag-bomba ng 1-1.4 m/li ng malathion o kaya 0.1% Diazinon laban sa mealybugs na gumagawa ng butas o sira sa pinya na maaring pasukan ng fungus.
- Iwasan ang pagtanggal ng ubod ng korona sa panahon ng tag-ulan
Heart Rot - Ang sakit na ito ay dulot ng fungus at karaniwang pinapatay nito ang bagong tanim na halaman.
Sintomas:
- paninilaw o pamumula ng dahon ng halaman sa gitna
- pagkalanta ng mga gilid (margins) ng dahon
- ang puno ng dahon ay naninilaw hanggang kumupas maging puti, malambot at basa na kulay kape ang gilid. Madaling matanggal ang ganitong dahon sa puno.
- may mabahong amoy
Pag-iwas/pagpuksa
- siguradong maayos ang labasan ng tubig
- itaas hanggang 25 cm ang taniman kung laganap ang sakit
- maglagay ng kulob o mulch kung ginawang 25 cm ang taas ng taniman
- magtanim sa panahon ng tag-araw
- ilubog ang pananim ng ilang minuto sa 8-10 g/li solusyon ng Difoltan o 2.5 g/li ng Aliette.
Daga
Pinsala
- Kinakain ang prutas , murang dahon at ubod ng halaman.
Pagpuksa/Pag-iwas
- Paglagay ng pain o lason tulad ng Racumin . Ito ay maaring ihalo sa bigas at ikalat sa taniman. Maari din itong ilagay sa bunot ng niyog o kawayan na may butas.
- panatilihing malinis ang taniman
Paraan ng Pagpapalaki ng Bunga sa Panahon ng Pamumulaklak ng Pinya
Maaring palakihin ang bunga ng pinya kahit sa panahon na ito ng pamumulaklak. Sundin ang sumusunod:
Maglagay ng abono sa simula ng pamumulaklak o red bud stage. May malaking epekto ang paglagay ng hinalong 5 gramo ng urea ng pamumulaklak o red bud stage. Matipid subalit malaki ang epekto lalo na sa mga lupang matagal ng tinataniman ng pinya.
Alisin ang korona isang linggo matapos ang pamumulaklak o dry petal stage. Mas lalong lumalaki ang bunga at maikli ang tubo ng korona. Huwag isasagad ang pag-alis ng korona sa bunga. Gawin ito kung mainit ang panahon upang hindi ito tamaan ng sakit. Dahil ang sugat na gawa sa pag-alis ng korona ay maaring maging sanhi o pagmulan ng sakit.
Pag-spray ng Gibberellic acid pagkatapos ng pamumulaklak o dry petal stage. Gamitin ang timplang 1/2 o 3/4 tablet ng Berelex sa bawat sprayer load (16 litro ng tubig) at i-spray sa 1,000 bunga ng pinya. Siguruhin na basa ang lahat ng bahagi ng bunga ngunit iwasan na matamaan ang korona. Mag-ispray sa umaga o hapon upang mas higit na mabisa.
Pag-Aani ng Bunga
Ang bunga ng pinya ay maaring anihin 41/2 hanggang 5 buwan depende sa panahon at timpla ng ethephon na inilagay sa pagpabulaklak. Medyo matagal anihin kung ginagawa sa panahon ng tag-ulan at mababa ang timpla ng pampabulaklak na ginamit.
Mapapanatili ang mataas na kalidad ng inaning pinya kung susundin ang sumusunod:
- Ingatan ang bunga sa pag-aani. Iwasang mabugbog ang bunga sa pag-ani at paghakot. Ito ang sanhi ng maagang pagkabulok o reject ng produkto para ipagbili sa ibang bansa.
- Huwag hayaan madikit ang inaning bunga sa lupa. Ang dumi na maaring dumikit sa bunga ay maaring maging sanhi ng sakit at madaling pagkasira ng produkto. Gumamit ng pansapin habang inaayos ang produktong inani.
- Anihin ang bunga ayon sa pangangailangan ng mamimili. Gawin ang sapilitang pagpapahinog kung kinakailangan upang sabay at pantay ang kulay ng hinog at manibalang (green ripe) pang bunga. Ang sapilitang pagpapahinog ay nakakasira ng kalidad ng prutas kung gagawin sa panahon na hilaw pa ang bunga. Matabang at makati ang lasa ng pinya na sapilitang pinahinog ng wala pa sa tamang panahon.
- Maaring anihin ang pinya depende sa pangangailangan ng mamimili na iba’t-iba ang antas ng pagkahinog tulad ng sumusunod:
Maturity Index ng Pinyang Queen base sa inaprubahan na standards ng BAFPS.
Kulay ng balat (index) - Katangian
- 1 - Lahat ng mata ay kulay berde at medyo puti ang bracts at tuyo ang mga grooves sa gitna ng una hanggang pangalawang layer o baitang ng mata mula sa ibaba. Makikita din ang paghihiwalay ng kulay dilaw (magulang na pinya ay maaring i-proseso bilang dried o gawing kendi ito ang pinaka-angkop na panahon para anihin ang pinya para ma-itabi nang medyo matagal)
- 2 - Tinatayang 2-3 layers ng mata mula sa ibaba ang kulay dilaw angkop itong kainin panghimagas at i-proseso bilang juice at jams
- 3 - 50% ng mata ay dilaw
- 4 - Lagpas 75% ng mata ay dilaw (sobrang hinog)
- 5 - Buong prutas ay dilaw (sobrang hinog)
Pag-Ani ng Dahon ng Pinya
Ang dahon ng pinya ay isa sa pinagkukunan ng magandang uri ng hibla para sa tela at papel. Dagdag na kita ito sa mga magtatanim ng pinya kung aanihin at ipagbibili ang sariwang dahon o kaya pinatuyong hibla.Piliin ang magulang na dahon at walang sira na may habang dalawang talampakan. Ginagawa ang pag-ani ng dahon matapos anihin ang bunga ng pinya.
Sa halip na tabasin para makagawa ng “walking alley” o daanan sa pag-ani at pag-hakot ng bunga maaring anihin ang dahon upang ibenta at gawing hibla. Ang mga natitirang dahon ay anihin ulit pakatapos anihin ang mga bunga.
Napag-alaman na ang pag-ani ng dahon ay hindi nakakaapekto sa paglaki ng suhi na gagamitin pantanim.
For more information, contact:
Department of Agriculture RFU 5
San Agustin, Pili, Camarines Sur
Tel.# (054) 361-18-58
E-mail :darafid5@yahoo.com
Web: www.bicol.da.gov.ph
Related Posts:
- Pineapple Queen Processing (in Filipino)
- Techno-Guide on Pineapple Fiber
- Beekeeping Tips and Techniques Video
- How to Make Nata de Piña
- Incentives of RA-7900 - High-Value Crops Dev. Act
- AgriBiz
- Starting Your Own Business Handbook by DTI








Entries (RSS)